-- Advertisements --

Magpapatupad ang Japan ng mas mahigpit na panuntunan para sa mga dayuhang nais magnegosyo sa kanilang bansa.

Batay sa dokumentong inilabas ng Ministry of Justice, itinaas sa 30 million yen o humigit kumulang P11.9 million ang kinakailangang kapital para sa ”business and management visa” —anim na beses na mas mataas kaysa sa kasalukuyang 5 million yen na kapital.

Kabilang din sa bagong patakaran ang pag-require ng kahit isang full-time na empleyado sa Japan.

Ang hakbang ay kasunod ng resulta ng halalan noong Hulyo kung saan lumakas ang suporta para sa isang oposisyong partido na tutol sa imigrasyon, na naging dahilan ng pagkawala ng mayorya ng ruling coalition.

Magtatagal ang konsultasyong publiko hanggang Setyembre 24, at inaasahang ipatutupad ang mga pagbabago sa Oktubre.

Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 41,600 katao ang may hawak ng ganitong visa sa Japan, kung saan higit sa kalahati ay mga Chinese national, ayon sa datos ng immigration.