-- Advertisements --

Sinalakay ng Israeli police ang compound ng United Nations Relief and Works Agency (UNRWA) na tumutulong sa Palestinian refugees na nakabase sa okupadong East Jerusalem nitong Lunes.

Kinumpirma rin ni UNRWA head Philippe Lazzarini na tinanggal ng Israeli authorities ang watawat ng UN at ipinalit ang Israel flag.

Ayon sa UN official, pwersahang pinasok ang kanilang compound ng Israeli police kasama ang municipal officials ng Jerusalem dala ang mga truck at forklifts.

Pinagpuputol aniya ang mga linya ng komunikasyon at sinamsam ang mga furniture, IT equipment at iba pang ari-arian.

Sa isang statement, nilinaw naman ng Israeli police na ang ikinasang operasyon ng Jerusalem Municipality ay parte ng debt-collection procedure, kung saan present ang mga pulis para bigyang seguridad ang personnel ng naturang munisipalidad.

Sinusugan naman ito ng tagapagsalita ng Jerusalem Municipality bilang parte umano ng standard procedure laban sa mga hindi nagbabayad ng property tax at nagbabalewala sa kanilang paulit-ulit na paalala.

Kinondena naman ni UN Secretary-General Antonio Guterres ang hindi awtorisadong pagpasok ng Israeli authorities at iginiit ang mga obligasyon ng Israel sa ilalim ng UN Charter at iba pang international law.

Una rito, matagal ng may isyu ang Israel sa naturang UN aid agency, kung saan inaakusahan ng Israel ang ahensiya ng pagtulong umano sa Hamas at nanawagang buwagin na ito nang tuluyan, subalit makailang ulit naman ng itinanggi ng UN agency ang naturang paratang.