-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Israel ang pagpayag nito na makapasok ang limitadong bilang ng pangunahing assistance kabilang na ang pagkain sa Gaza.

Ito ay para matiyak na hindi mangyari ang krisis ng kagutuman sa naturang teritoryo.

Tinuldukan naman nito ang 10 linggong pagharang ng pwersa ng Israel sa mga aid patungo sa Gaza.

Sa isang statement mula sa opisina ni Prime Minister Benjamin Netanyahu, ginawa ang naturang hakbang kasunod ng rekomendasyon ng Israeli Defense Forces (IDF) at ibinase sa pangangailangang suportahan ang kanilang panibagong military offensive laban sa Hamas na tinawag nitong Operation Gideon’s Chariot.

Iginiit din ng Israel na kikilos sila para pigilan ang Hamas na kontrolin ang pamamahagi ng humanitarian assistance.

Ginawa naman ng Israel ang anunsiyo ilang oras matapos sabihing sinimulan na nila ang pinalawig pang ground operations sa Gaza.

Matatandaan nauna ng nagbabala ang aid agencies sa panganib ng kagutuman sa 2.1 milyong populasyon ng Gaza kasunod ng lumabas na mga footage at bilang ng napaulat na mga batang dumaranas ng malnutrisyon.