-- Advertisements --

Nangako si Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na gagamitin nila ang lahat ng options para ipagtanggol ang kanilang soberanya matapos ang naganap na pambobomba ng Estados Unidos sa tatlong nuclear facilities nito.

Bilang ganti, nagpakawala ang Iran ng mas maraming missiles patungo sa Israel kung saan apektado ang lungsod ng Tel Aviv at Jerusalem, na nagdulot ng pagkasira ng mga kabahayan, at sugatan na mga sibilyan.

Dahil dito umabot sa 16 ang naiulat na nasugatan.

Nagbabala ang Iran na hindi ito magpapasindak sa Amerika at tinawag ang opensiba ng Estados Unidos bilang iligal. Ayon sa kanila, walang radioactive materials ang naiwang maaaring sumabog sa mga pasilidad gaya ng Natanz, Isfahan, at Fordow.

Sa kabilang banda, ipinagmalaki ni Trump ang aniya’y “matagumpay” na operasyon nito kasabay ng banta na susundan pa nila ito ng mas higit na pambobomba kung hindi aniya susuko ang Iran.

Nabatid na gumamit umano ang U.S. ng 30 Tomahawk missiles at mga bunker-buster bomb para wasakin ang nuclear facilies ng Iran.

Batay sa datos umabot na sa higit 430 ang naiulat na nasawi sa Iran at 24 naman sa Israel mula nang magsimula ang hidwaan noong Hunyo 13.

Nagpahayag ng pag-aalala ang mga lider sa iba’t ibang bansa, habang patuloy na umiigting ang tensyon sa Middle East.

Nanawagan ang United Nations ng agarang ceasefire upang maiwasan ang mas malawak na digmaan.