-- Advertisements --

Kinumpirma ng Israel na tinamaan nila ang dalawang nuclear facilities ng Iran ilang oras matapos magbabalang palalawakin pa ang mga pag-atake nito laban sa Islamic country.

Ayon sa Atomic Energy Organization ng Iran, tinarget sa pag-atake ang Shahid Khondab Heavy Water Complex sa Arak at Ardakan yellowcake production plant sa Yazd Province.

Hindi naman nagdulot ng anumang casualties ang strikes at walang banta ng kontaminasyon.

Ang Arak plant kasi ay hindi na gumagana simula nang atakehin ito ng Israel noong Hunyo, habang ang yellowcake production plant naman ay isang concentrated form ng uranium matapos tanggalin ang impurities mula sa raw ore.

Samantala, agad namang nagbanta ng pagganti ang Iran, kung saan sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na kanilang tutumbasan ng “mabigat na kabayaran” ang mga krimen ng Israel.

Kalaunan, inihayag ng Iran na tinamaan ng strikes nito ang military base ng Amerika sa Saudi Arabia.

Ang pag-atake ng Iran sa Prince Sultan Air Base ay ikinasugat ng 10 American troops, dalawa sa kanila ang seryosong nasugatan, ayon sa dalawang opisyal ng US na pamilyar sa sitwasyon.

Napinsala naman ang ilang refueling aircraft sa pag-atake.