Nananawagan si Sen. Bong Go, chairman ng Senate Committee on Sports na isantabi muna ang sisihan kaugnay sa mga naiuulat na reklamo lalo ng mga foreign teams na aberya sa pangangasiwa ng local organizers sa Southeast Asian Games (SEA GAMES) 2019.
Partikular na nasisi ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) dahil sa umano’y palpak na pagtrato sa mga atleta sa isyu ng accommodation, pagkain, inuming tubig at pasilidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sen. Go na dapat magbayanihan muna at magtulungan kung may makikitang pagkukulang lalo sa mga atleta.
Ayon kay Sen. Go, siya mismo ang mag-imbestiga kung may kapalpakan sa hosting ng SEA GAMES pagkatapos ng palaro.
Sila daw ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakatutok at naiparating na niya kay PHISGOC chairman Speaker Alan Peter Cayetano ang kagustuhan na pangulo na ayusin ang pangangasiwa sa SEA GAMES.
Inihayag pa ng senador na mga atleta ang palakpakan at hindi mga palpak.
“Nandiyan na eh. ‘Wag nating palakpakan ang palpak. Palakpakan natin ang mga atleta,” ani Sen. Go sa Bombo Radyo.