Nasunog ang isang oil tankersa Gulf of Aden matapos tamaan ng inilunsad na missile ng Houthi rebels na nasa Yemen.
Ayon sa Yemeni movement, tinamaan nila ang Marlin Luanda na tinukoy ng tagapagsalita ng Houthis na isa umanong barko ng Britaniya. Ito ay ganti pa rin ng grupo sa inilunsad na airstrikes ng Estados Unidos at United Kingdom laban sa rebeldeng grupo.
Base naman sa Operator, nagdulot ng sunog sa isa sa cargo tanks ng barko ang tumamang missile at inaapula na.
Sa datos mula sa US military naman, isang anti-ship ballistic missile ang ginamit ng Houthi rebels sa pag-atake sa naturang tanker kung saan agad na rumesponde ang isang naval ship sa distress signal ng nasusunog na oil tanker.
Sa kabutihang palad naman, ayon sa US Central Command, walang napaulat na nasugatan sa insidente.
Ito na ang pinakabagong pag-atake ng Houthi rebels sa mga commercial shipping sa loob at palibot ng Red Sea.
Una ng inihayag ng rebeldeng grupo na ang kanilang pag-atake sa mga barko sa rehiyon ay bilang pagsuporta nila sa mga Palestino sa Gaza kung saan nakikipaglaban ang Israel kontra sa Hamas.