-- Advertisements --

Ligtas na nakabalik sa Pilipinas ang nasagip na higit 20 Pilipino na pinilit maging scammers sa Cambodia.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado, nasa siyam dito ay lalaki at 14 ang babae na kapwa dumating noong Agosto 23 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 mula Phnom Penh, Cambodia.

Sinabi ni Viado na ang mga sindikatong ito ay nagsasamantala sa pag-asa ng mga Pilipino na magkaroon ng mas magandang buhay sa ibang bansa, ngunit ang naghihintay sa kanila ay pang-aabuso, pagkaalipin, at kawalan ng pag-asa.

Aniya, ang mga na-repatriate ay ni-recruit sa pamamagitan ng social media na may pangakong trabaho bilang customer service representatives at buwanang sahod na $1,500.

Subalit ayon sa mga biktima, tinanggap lamang nila ang halagang halos $300 at pinilit na magtrabaho bilang mga love scammers na target ang mga kalalakihan sa Europa.

Ibinunyag ng mga biktima na pinaparusahan sila sa pamamagitan ng mga squatting exercises at inaabuso ng pisikal at verbal kapag hindi nila naabot ang kanilang quota.

May ilan ding nagsabing ipinagbili sila sa ibang kumpanya at inihalintulad ang kanilang karanasan sa modernong pangaalipin.

Ayon sa BI, karamihan sa mga biktima ay umalis ng Pilipinas na nagpapanggap bilang turista, habang ang isa ay umalis kasama ang buong pamilya sa isang biyahe papuntang Thailand at doon nagtungo sa Cambodia.