-- Advertisements --

Inihayag ni Vice President Sara Duterte na may isang bansa na umanong pumayag na tumanggap sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands habang nililitis sa International Criminal Court (ICC) dahil sa mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity kaugnay ng kanyang madugong kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga Pilipino sa Japan noong Sabado, Setyembre 20, sinabi ni VP Sara na siya mismo ang nakipagnegosasyon sa mga bansa upang makahanap ng mapagkakatiwalaang bansa na tatanggap sa kanyang ama dahil aniya, wala siyang maaasahan sa Pilipinas.

Hindi pinangalanan ng pangalawang pangulo ang naturang bansa, ngunit tiniyak niyang hindi ito Japan. Nauna na ring sinabi ng Australia na tumanggi itong tanggapin si Duterte.

Ang pahayag ay kasunod ng hiling ng kampo ni dating Pangulong Duterte para sa interim release, na isinampa noong Hunyo. Giit ng kanyang abogado, wala umanong flight risk si Duterte at hindi raw kinakailangang manatiling nakakulong habang nililitis.

Gayunman, tumutol ang Office of the Prosecutor ng ICC, at iginiit na kinakailangan ang patuloy na pagkakakulong ni Duterte upang matiyak ang kanyang pagdalo sa paglilitis, at upang maiwasan ang posibleng panghihimasok sa kaso o sa mga testigo.

Kaugnay nito dalawang organisasyon sa Pilipinas na tumutulong sa mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ang nagpahayag din ng pagtutol sa pansamantalang paglaya ni Duterte, dahil umano sa panganib na maimpluwensyahan nito ang mga imbestigasyon at kaligtasan ng mga testigo.

Magugunitang si dating Pangulong Duterte ay idinetaine sa Netherlands noong Marso 2025, at nahaharap sa paglilitis kaugnay ng mga patayan sa ilalim ng war on drugs, na ayon sa pulisya ay umabot sa 6,000, ngunit ayon sa mga human rights group ay posibleng umabot ito sa 30,000 kasama na ang mga vigilante killings.