-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa universitywide lockdown ang Isabela State University (ISU) campuses mula noong March 31, 2021 hanggang Abril 15, 2021 sa bisa ng Memorandum #93 series of 2021 na ipinalabas ng pamunuan ng pamantasan.

Layunin nitong mapigilan ang paglaganap ng virus matapos maitala ang ilang COVID-19 positive at fatalities.

Ang lahat ng mga ISU campuses ay nakikiisa sa pagpapatupad ng mas mahigpit na health measures at work arrangements.

Lahat ng mga faculty at personnel kabilang na ang mga nasa contract of service at mga job orders ay sumailalim sa work from home.

Ang mga accomplishment reports ay isusumite sa pamamagitan ng electronic o digital sa mga immediate supervisor upang maiwasan ang physical contact at face-to-face interaction.

Pinahintulutang pumasok ang mga essential personnel tulad ng mga nasa finance services ngunit sa ilalim ng limited face-to-face.

Pinapayuhan ang lahat ng mga ISU personnel na manatili sa loob ng kanilang mga bahay maliban kung bibili sila ng mga pagkain, gamot at magtungo sa ospital.

Inatasan din ang mga infirmary personnel na regular na imonitor ang mga empleyadong nagpositibo kabilang ang kanilang mga direct contact sa pakikipag-ugnayan sa Rural Health Unit (RHU) at Department of Health (DOH).

Ang pag-uulat at pagtatala ng mga COVID-19 cases sa lahat ng mga ISU campuses ay kailangang maisumite sa University COVID-19 Crisis Manager na si Atty. Romano Cammayo, Vice President for Administrative and Finance Services (AFS).

Inatasan din ang lahat ng ISU campuses na magsagawa ng regular na disinfection sa mga gusali at mga pasilidad nito.