CEBU CITY – Patuloy pa ang isinagawang search and rescue operation ng 22 responders ng City Disasaster Risk Reduction Management Council(CDRRMO) Rescue 211, SAFARI at PNP sa Barangay Oguis, lungsod ng Danao, Cebu sa isang Danawanon na na-missing at pinaniniwalaang tinangay ng baha.
Ayon pa sa PNP Danao City, nakatanggap sila ng report pasado alas-9:20 kaninang umaga kung saan hindi pa nakilalang lalaki na nagmaneho ng motorsiklo nito ang tumungo sa bukiring bahagi ng nasabing barangay.
Napag-alaman na tumaas ang water level ng Tangon river sa nasabing lungsod na naging sanhi ng pagbaha sa iba pang barangay.
Kaninang umaga’y pinalikas agad ang mga residenteng nasa flood prone areas kung saan aabot sa 30 pamilya mula sa Brgy. Taboc ang pina-evacuate.
Kasalukuyang inilagay ang mga ito sa barangay evacuation center at nakatakda namang bigyan ng relief assistance.
Base sa initial assessment, may mga lugar naman na naitala ang landslide ngunit malayo lang sa residential area.
Samantala, patuloy naman sa pagpapaalala ang mga opisyal sa mga barangay na mag-ingat kahit pa man hindi direktang apektado sa mga pagbaha o pagguho ng lupa.