-- Advertisements --

Iginiit ng mga top security officials ng bansa na hindi na kailangang hintayin ang implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Act of 2020 bago ipatupad ang batas.

Magugunitang naging epektibo na ang batas simula noong Sabado habang binubuo pa ang IRR na magsisilbing operating manual ng Anti-Terrorism Council (ATC).

Una ng sinabi ni Justice Sec. Mernardo Guevarra na “prudent” o mas mabuting hintayin munang mabuo ang IRR bago ipatupad ang batas.

Sinabi ni Interior Sec. Eduardo Año, may jurisprudence na nagsasabing hindi requirement sa pagpapatupad ng batas ang IRR dahil may mga probisyon na kung paano ito ipatutupad.

Ayon kay Sec. Año, kung may namo-monitor na silang malaking banta ng terorismo sa bansa, hindi na kailangang hintayin pa ang IRR ng batas para mapigilan ang nasabing terror threat.

Kinatigan naman ito nina Defense Sec. Delfin Lorenzana at National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon Jr. bagama’t aminado silang makakatulong ang IRR bilang operating manual at isusumite sa Congressional Oversight Committee.