-- Advertisements --

Muling itinuro ng Iran ang mga bansa sa Europa bilang may pananagutan umano sa pagkabigo ng 2015 Iran nuclear deal, ilang araw bago ang nakatakdang pag-uusap sa Istanbul kasama ang Britain, France, at Germany.

Ayon kay Esmaeil Baqaei, tagapagsalita ng Iranian foreign ministry, “Iran holds the European parties responsible for negligence in implementing the agreement,” na tumutukoy sa diumano’y kakulangan ng mga European Union (EU) sa pagtupad ng kanilang mga obligasyon.

Nabatid na ang kasunduang nilagdaan noong 2015 ay layong limitahan ang nuclear program ng Iran kapalit ng pag-alis ng parusa. Kabilang sa mga lumagda ang Iran, Britain, China, France, Russia, United States, at Germany.

Ngunit naglaho ito noong 2018 matapos umatras ang Estados Unidos sa ilalim ni U.S. President Donald Trump, at muling magpatupad ng malawakang parusa sa Iran.

Bagamat nagpahayag ng suporta ang EU, hindi kailanman naging epektibo ang mekanismong pang-ekonomiya na dapat sana’y sasalo sa epekto ng U.S. sanctions.

Dahil dito, maraming kompanya sa west ang umatras sa Iran, na lalo pang nagpapalala sa krisis ng ekonomiya ng bansa.

Samantala ang pagpupulong sa Biyernes, Hulyo 25, sa Istanbul ay inaasahang tatalakay sa posibilidad ng pagbuhay muli sa kasunduan.