Tuluyan nang isinara ng Ipo Dam management ang iisang gate nito na dating nakabukas matapos bumaba sa 100.93 meters ang antas ng tubig kasunod ng ilang araw na pagpapakawala ng malaking bulto nito bunsod ng malalakas na pag-ulan sa Luzon.
Ang kasalukuyang lebel ng Ipo Dam ay ilang sentimetro na lamang ang distansya bago maabot ang Normal High Water Level (NHWL) nito na 101 meters.
Sa kabilang banda, patuloy namang nagpapakawala ng tubig ang Ambuklao at Binga Dam sa Northern Luzon kung saan naglalabas ang Ambuklao ng mahigit 507 cubic meters per second (cms) mula sa pitong nakabukas na gates, habang mas malaking bulto na 641 cms naman ang pinapakawalan ng Binga mula sa anim na gates nito.
Pawang nagrehistro ng pagtaas sa lebel ng tubig ang lahat ng dam sa buong Luzon sa nakalipas na 24 oras, partikular na ang San Roque Dam na umangat ng mahigit 3.42 meters.
Bunsod nito, lumagpas na sa NHWL na 280 meters ang antas ng tubig sa San Roque Dam na kasalukuyan nang nasa 283.27 meters.













