Nalalabuan at hindi pa kumbinsido si Senadora Imee Marcos sa ipinadalang dalawang pahinang sulat ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kay Senate President Juan Miguel upang suportahan ang Resolution of Both Houses No. 6 para amyendahan ang ilang economic provisions ng Saligang Batas.
Magugunitang sumulat si Romualdez kay Zubiri matapos tutulan ng 24 ng mga Senador ang People’s Initiative na iniuugnay na pakana ng mababang kapulungan ng kongreso.
Ayon sa liderato ng Kamara, hinihintay nila ang pag-apruba ng Senado ng kanilang bersyon ng resolusyon ng charter change at pagtitibayin naman daw ito ng mababang kapulungan.
Ayon kay Marcos, ang ipinadalang sulat na ay pangatlong round na kung saan ang una at pangalawang round ay panay ratsada sila sa pagsusulong ng People’s Initiative.
Hindi pa rin aniya tumitigil ang mababang kapulungan sa pagpapapirma at panunuhol sa taumbayan kaya hindi kumbinsido si Marcos kung talaga sumusuporta ang mga ito sa inihaing resolusyon ng Senado.
Naguguluhan di si Marcos dahil lumalabas sa ipinadalang sulat ay susuportahan ng Kamara ang Resolution of Both Houses No. 6 ngunit, sa kabilang banda, ay susuportahan din ang alternative People’s Initiative.
Aminado si Marcos na hindi kakayanin ng Senado ang Alternative People’s Initiative sapagkat wala silang logistics, sapat na manpower, at machinery na ginagawa sa district level.
Gayunpaman, sa ngayon ayon kay Marcos ay pagtutuunan muna nila ng pansin ang trabaho nila sa Senado.