NAGA CITY – Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad ang insidente ng pamamaril sa loob ng Camp Weene Martillana sa San Jose, Pili, Camarines Sur.
Nabatid na dalawang sundalo ang namatay habang isa naman ang nasugatan sa insidente.
Tumanggi muna ang militar na agarang isapubliko ang mga pangalan ng mga sangkot sa insidente habang nakikipag-ugnayan pa ang pamunuan sa kanilang mga pamilya.
Ayon sa ulat, nagkaroon umano ng pagpupulong sa loob ng kampo nang umalis ang isang sundalo na may ranggong kapitan at pagbalik nito ay armado na ng baril.
Dito na binaril ng suspek ang dalawa nitong kabaro na may ranggong major at sarhento dahilan upang magtamo ito ng tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.
Nadala pa sana sa ospital ang mga biktima ngunit agad na nasawi ang major habang sugatan naman ang sarhento.
Ngunit matapos ang pamamaril, pinaniniwalaang nagbaril umano sa sarili ang suspek na kanyang ikinamatay.
Samantala, ang nasabing mga opisyal ang nakadestino sa 5th Finance Service Field Office Finance Center ng Philippine Army.