-- Advertisements --
JB Sebastian cremation

Hinihintay na lamang ng Department of Justice (DoJ)  progress report ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagkamatay ng mga high profile inmates sa New Bilibid Prisons (NBP) kabilang na si Jaybee Sebastian na tumestigo noon kay Sen. Leila de Lima kaugnay ng paglaganap daw ng droga sa loob ng pambansang piitan.

Nag-ugat ang imbestigasyon ng NBI sa umano’y pagkamatay ng siyam na high profile inmates sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra kasunod na rin ito ng pagsusumite ng inisyal na report ng NBI at ang kopya ng mga death certificates ng mga nasawing high profile inmates.

Dahil dito, posibleng magsumite raw ang NBI ng kanilang progress report sa katapusan ng linggo.

Nakapag-inspeksiyon na rin umano ang NBI sa Bilibid para makita ang kalagayan ng mga inmates na tinamaan ng COVID-19.

Maalalang naging kontrobersiyal ang sinasabing pagkamatay ng mga high profile inmates at marami ang duda sa pagkamatay ng mga ito sa loob ng NBP.

Gayunman, mariin namang itinanggi ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Director General Gerald Bantag ang mga alegasyon at hinamon ang mga nagdududa sa pagkamatay ng mga inmates na maglabas ng ebidensiya.