Nakatakdang ilulunsad ng gobyerno ang isang kampanya para ipaalam sa publiko na maaari namang maghanap-buhay kahit may kinakaharap na pandemya.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay ang “Ingat Buhay Para sa Hanap-buhay.”
Ayon kay Sec. Roque, ang kampanya na ipapaapruba kay Pangulong Rodrigo Duterte ay sa gitna na rin ng mainit na debate sa loob ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) at UP experts group na nagsasabing kinakailangang manatili pa ring sarado ang ekonomiya.
Ayon kay Sec. Roque, kung walang matatanggap na ayuda ang mamamayan, ang solusyon dito ay buksan ang ekonomiya at hayaang makapagtrabaho ang mga tao kaakibat ang kaukulang pag-iingat.
Idinagdag ni Sec. Roque na isa siya sa mga naniniwalang maaaring ituloy ang buhay kahit may COVID-19 pandemic at kailangang matutong mabuhay sa gitna ng pandemya.
“Ano pong hakbang na gagawin? Intense po ang debate sa IATF at sa Gabinete, those who want to open the economy and those who want to continue closing it because of the threat. Ako, I personally belong to the school of thought na we can live with COVID; we need to learn how to live our lives with COVID. At ilulunsad na nga po natin iyong ating kampaniya na “Ingat Buhay Para sa Hanapbuhay.” Ang solusyon po: Kinakailangang buksan ang ekonomiya dahil talaga naman pong wala pa ring trabaho ang karamihan kung mananatili ang mga lockdowns. At tingin ko po bagaman at mainit po ang debate sa IATF at nandiyan po iyong UP-OCTA group na nagsasabing kinakailangan manatili pa ring sarado ang ekonomiya, well, sabihin po natin iyan doon sa mga walang trabaho dahil sarado ang ekonomiya,” ani Sec. Roque.