Lagpas na sa tinatawag na “epidemic threshold” ang bilang ng mga dinadapuan ng influenza-like illnesses sa Quezon City.
Base sa datos mula sa QC Epidemiology and Surveillance Division, nakapagtala ng 152 kaso ng sakit mula Agosto 31 hanggang Setyembre 13, na lagpas na sa epidemic threshold.
Mas mataas din ito kumpara sa naitala sa nakalipas na dalawang linggo mula Agosto 17 hanggang 30 na mayroong 122 cases.
Sa kabuuan, nasa 1,560 kaso ng sakit ang naitala, kabilang ang tatlong nasawi na naitala sa siyudad mula Enero hanggang Setyembre 13.
Pinakamataas na bilang ng kaso ay naitala sa District 4. Karamihan sa mga dinadapuan ng sakit ay nasa 23 anyos hanggang 94 anyos kung saan mayorya o nasa 145 ay kalalakihan at 129 naman ay kababaihan.
Kaugnay nito, hinimok ng ahensiya ang mga indibidwal na nakakaranas ng flu-like symptoms na agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center o ospital.
Pinapayuhan ang mga nakakaranas ng sintomas gaya ng ubo, lagnat at pananakit ng katawan na manatili sa bahay at huwag munang pumasok sa paaralan o trabaho hanggang ganap nang gumaling para maiwasan ang hawaan ng sakit.
Ipinapayo din ang pagkakaroon ng proper hyginene at kapag nakakaranas ng ubo o sipon, maghugas ng kamay at magsuot ng face mask.