Patuloy na bumagal ang inflation rate o ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa sa 1.4% noong buwan ng Abril ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Bagamat bumagal ang inflation sa buong bansa, tumaas naman ang inflation sa Metro Manila sa 2.4%, pinakamataas sa loob ng tatlong buwan. Ang pagtaas ay dulot ng mataas na gastos sa pabahay, tubig, kuryente, at iba pang mga fuel, na tumaas ng 5.1% mula sa 2.2% noong buwan ng Marso.
Partikular na tinukoy ng opisyal ang malaking pagbaba sa presyo ng pagkain at inuming hindi alcohol na tumaas lamang ng 0.9%, mas mababa kaysa sa 2.2% noong nakaraang buwan.
Dagdag pa aniya rito ang pagbaba ng presyo ng bigas at ang mga gastos sa transportasyon na bumaba sa 2.1%.
Ang naitalang inflation rate noong Abril ay nasa ilalim ng target ng pamahalaan na 2% hanggang 4%, ngunit nasa loob ng forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 1.3% hangang 2.1%.
Nanatili naman ang core inflation ng bansa sa 2.2%.