Pinaiimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang umano’y inconsistencies o hindi tugmang mga datos na inilalabas nito tungkol sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
Kasunod ito nang inilabas na report ng University of the Philippines – Resilience Institute kung saan may mga impormasyon sa ilang pasyente ang hindi tama ang pagkaka-report.
“I have already instructed Usec. (Ma. Rosario) Vergeire to look into this problem and to correct the inconsistencies and to ensure that the corrective interventions will be put in place so as to avoid in the future these data inconsistencies,” ani Sec. Francisco Duque.
Iginagalang naman daw ng DOH ang obserbasyon ng UP experts, sa kabila ng pagsisiguro nilang transparent ang mga datos na inilalabas ng kagawaran.
Batay daw kasi sa report ng Epidemiology Bureau, may mga pasyenteng hindi nagbibigay ng kumpletong impormasyon sa kanilang “case investigation form.”
“Minsan kasi ang nagiging struggle, hindi nakukumpleto yung pagsagot sa mga data required to fill up the case investigation form especially when the testing is done.”
Kabilang sa mga napuna ng UPRI ang hindi tugmang report ng DOH sa bilang ng deaths at recoveries ng Laguna provincial government.
Pati na ang pabago-bagong edad, kasarian, at address ng ilang pasyente.
Mayroon din umanong ini-report na namatay noong April 24, pero natukoy na hindi naman pala binawian ng buhay.