-- Advertisements --

Dumating sa Pilipinas ang isang tanker na may dalang humigit-kumulang 100,000 tonelada ng Eastern Siberia–Pacific Ocean (ESPO) blend crude oil mula sa Kozmino port ng Russia, na nakatakdang iproseso sa refinery sa Bataan.

Ang barkong Sara Sky, na may bandila ng Sierra Leone, ay nakarating sa Limay port dakong alas-dos ng hapon nitong Martes, Marso 24.

Ito ang kauna-unahang pag-angkat ng Russian oil ng bansa mula pa noong 2021.

Ayon sa mga ulat, pinili ng Pilipinas na muling umangkat ng langis mula Russia dahil sa pangamba sa kakulangan ng suplay bunsod ng patuloy na tensyon sa Strait of Hormuz, kung saan nakikipagbanggaan ang Iran at Estados Unidos.

Malaki ang pag-asa ng bansa sa Middle Eastern oil, kaya’t ang anumang sagabal sa rehiyon ay nagdudulot ng malaking epekto sa presyo at suplay.

Sinabi ni Energy Sec. Sharon Garin na bukas ang pamahalaan sa lahat ng opsyon, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa Russia, Thailand, Japan, at Singapore para sa alternatibong suplay.

Ang pagdating ng shipment ay naganap sa loob ng 30-araw na window na pansamantalang nag-alis ng US sanctions sa Russian oil, na magtatapos sa Abril 11.

Kasabay nito, nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng national energy emergency sa pamamagitan ng isang executive order upang mas mabilis na makapagtugon ang pamahalaan sa krisis.

Kabilang sa mga hakbang ang fast-tracked fuel procurement, advance payment para sa mga kontrata, at pagtutok sa pagtiyak ng tuloy-tuloy na suplay ng langis at iba pang mahahalagang produkto na apektado ng pagtaas ng presyo.

Inaasahan namang agad mararamdaman sa merkado ang dagdag na supply ng langis, lalo na sa mga nasa transportation sector na umaangal na dahil sa sunod-sunod na umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.