Dalawang tao ang nasawi habang napinsala ang bahagi ng isang oil refinery kasunod ng pinakamalaking drone attack ng Ukraine sa lalawigan ng Moscow sa gitna ng huling araw ng parliamentary elections sa Russia.
Ayon kay Moscow Mayor Sergei Sobyanin, umabot sa mahigit 1,600 na drone ang napabagsak ng Russia mula noong Sabado, kabilang ang 450 na patungo sana sa kabisera.
Binigyang-diin ng pamunuan ng lungsod na naglayong idiskaril ng Ukraine ang pambansang halalan sa pamamagitan ng insidente, ngunit nabigo umano ang kaaway na makamit ang layuning ito.
Bukod sa mga nasawi, lumikha rin ng malawakang pinsala sa mga gusali at kabahayan ang pag-atake, na nagbunsod sa pagpapalikas ng humigit-kumulang 400 residente sa Ramenskoye district.
Nangyari ang palitan ng pag-atake sa pasilidad ng enerhiya sa kabila ng naunang pahayag ni US President Donald Trump na nagkasundo ang dalawang bansa na itigil ang pag-target sa mga imprastraktura ng isa’t isa.















