Inirekomenda ng National Food Authority (NFA) ang pag-aangkat ng mahigit 330,000 metric tons (MT) ng bigas para mapunan ang kakulangan sa buffer stock ng bansa para sa relief operations ng iba’t ibang ahensiya sakaling magkaroon ng mga kalamidad ngayong taon.
Sa isang statement, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na ang panukalang buffer stock ng bigas ay katumbas ng hanggang siyam na araw ng national consumption mula Hulyo ng kasalukuyang taon onwards at matitiyak na mayroong sapat na volume ng bigas para sa calamity at relief requirements mula Hulyo hanggang Disyembre ngayong taon.
Subalit ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dapat na bilhin ng NFA ang kanilang buffer stock mula sa mga lokal na magsasaka.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11203 o ang Rice Tarriffication Law, tinanggal ang regulatory at import licensing issuance functions ng NFA at binawasan ang mandato nio para sa emergency buffer stocking ng bigas na dapat ay kukunin lamang mula sa mga lokal na magsasaka at papayagan ang pribadong sektor na malayang mag-angkat ng bigas subalit subject pa rin sa taripa.
Subalit sa ilalim ng panukalang rice importation strategy ng NFA, inirekomenda ng ahensiya na isagawa ito sa pamamagitan ng government to government transactions, ito man ay sa pamamagitan ng Office of the President o ang designated agency nito.
Matatandaan na una ng sinabi ng Pangulo na siyang kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture na nasa maayos na kalagayan pa rin ang suplay ng bigas sa bansa subalit kasalukuyang mababa ang buffer stock ng NFA at kailangang ma-replenish para maabot ang nasa siyam na araw na halaga ng buffer stock.
Samantala, base naman sa 2023 suplly outlook ng DA, inaasahang sasapat pa ang kabuuang suplay ng bigas na 16.98 million MT para matustusan ang demand ngayong taon na nasa humigit kumulang 15.29 million MT.