Tinuldukan na ng Office of the Ombudsman ang usapin patungkol sa pagkukunsidera sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya bilang mga state witness.
Ayon mismo kay Assistant Ombudsman Mico F. Clavano, tagapagsalita ng tanggapan, wala ng pag-asa ang mga Discaya para kunin pa bilang mga testigo ng estado.
Bunsod aniya ito sa pahayag at ipinapakitang pagputol ng mag-asawa sa kooperasyon at pakikipagtulungan nila sa pamahalaan kaugnay sa nagpapatuloy nitong imbestigasyon sa flood control projects anomaly.
Kung kaya’t sa halip na kunin bilang state witness, itinuturing na ngayon ng Ombudsman ang mga Discaya bilang mga ‘hostile witnesses’ sa kaso.
Dagdag pa niya’y dahil sa hindi na sila ikukunsidera na maging ‘state witnesses’, ang mag-asawa ngayo’y haharap bilang mga respondents o akusado sa mga reklamo o kasong isasampa ng Ombudsman laban sa kanila.
Ayon kay Assistant Ombudsman Clavano, reklamong malversation of public funds, falsification of public documents at iba pang reklamo kaugnay sa krimen ang maari nilang kaharapin.
Inihayag pa ni Assistant Ombudsman Clavano na tiyak naman ng di’ makakalusot ang mag-asawa sa pnanagutan sapagkat higit 4-libong project bids ang sinalihan ng mga Discaya.
Kung kaya’t mariing pinanindigan ng naturang tagapagsalita na ‘imposible’ ng matupad ang mithiin sana nilang makuha pa bilang mga ‘state witnesses’ sa kaso.
Idinagdag naman ni Assistant Ombudsman Clavano na alinsunod sa hindi na pakikipagtulungan ng mga Discaya ay babawiin na rin ang proteksyon hatid ng pamahalaan sa mag-asawa, na dapat sanang kalakip ng kanilang pagtestigo.
Paliwanag niya’y ang proteksyon ibinibigay sa kanila ay buhat nang sila’y mag-apply para sa protection program ng Department of Justice sa layon maging state witness.
















