Posibleng makakuha ng sapat na boto sa Kamara upang umusad ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kung magkakaroon ng sapat na suporta mula sa Malacañang, ayon sa political analyst na si Lito Banayo.
Ayon kay Banayo, inaasahang aaprubahan ng House Committee on Justice ang draft articles of impeachment sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo, bago ito dalhin sa plenaryo.
Upang maipasa sa Senado para sa impeachment trial, kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara, o humigit-kumulang 106 na lagda.
Iginiit ni Banayo na maaaring maabot ang bilang na ito depende sa political backing mula sa ehekutibo, kabilang na ang umano’y pagbibigay ng “pork” o pondo bilang insentibo.
Sa oras na makuha ang kinakailangang boto, maisusulong ang kaso laban sa bise presidente patungo sa Senado na magsisilbing impeachment court. (Report by Bombo Jai)
















