-- Advertisements --

Wala pang natatanggap ang Senate Impeachment Court mula sa Kamara na kopya ng resolusyon na nagpapatunay na ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay alinsunod sa 1987 Constitution. 

Ito ang kinumpirma ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Regie Tongol. 

Paglilinaw ni Tongol, walang epekto sa proseso o timeline ang hindi pa pagsusumite ng Kamara ng resolusyon. 

Samantala, Sinabi naman ni Tongol na dapat mapag-usapan ng mga senator-judges kung dapat alisin ang isang hukom sa impeachment trial na halatang mayroong pinapanigan. 

Tugon ito ng tagapagsalita sa naging pahayag ng isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution na si Atty. Christian Monsod na dapat mag-inihibit sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Francis Tolentino sa pagiging senator-judges sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos nilang hilingin ang pagbasura sa impeachment case nito.

Nang matanong naman si Tongol kung maaari bang ipa-contempt ng impeachment court ang sinumang partido na hindi sumunod sa kanilang kautusan, aniya option ang pagpapa-contempt. 

Gayunman, sa palagay ni Tongol, posibleng hindi balakin ng impeachment court na magpa-contempt ng Kongresista o ng prosekusyon para maiwasan na rin ang iringan pa.