Nanindigan ang dating defense lawyer sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona na tanging ang Senate impeachment court ang tanging makakapagsabi kung akma o tama ang direksyong tinatahak ng defense team ni Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Atty. Tranquil Salvador ang pahayag nang matanong ukol sa mistulang hindi pagtanggi ng mga defense lawyer na ginawa ni VP Sara Duterte ang pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Natanong din ang dating defense lawyer ukol sa pagpokus ng defense team sa typographical errors o pagkakamali sa imprentang dokumento sa halip na patunayang inosente ang pangalawang pangulo.
Gayunpaman, binigyang-diin ng batikang abogado na tanging ang mga senator-judge lamang ang makakapagdesisyon kung tama ang direksyon ng defense panel, dahil sa huli ay sila rin aniya ang magpapasya sa merito ng kaso.
Naniniwala ang dating abogado ni CJ Corona na nais ng defense na ipakita kung bakit nagalit noon si VP Sara Duterte kaya’t nagawa niya ang pagmumura at pagbabanta laban sa mga matataas na opisyal ng bansa.
Lumalabas din sa taktika ng defense aniya na nais nilang ipakita o sabihing hindi nanakot si VP Sara noong naganap ang November 23 Zoom press conference.
Anuman ang taktika na ginagawa ng naturang panel aniya, nakadepende pa rin sa mga senator-judge ang ‘appreciation,’ sa direksyon ng depensa.
















