-- Advertisements --

Tila mas pipiliin daw ni Senadora Imee Marcos na dumalo sa rally sa Camp Aguinaldo bukas, Setyembre 21, kaysa sumama sa mga magpoprotesta sa EDSA Shrine at Luneta. 

Ang pahayag ni Marcos sa gitna ng nakakasang malawakang kilos-protesta kaugnay sa umano’y korapsyon sa flood control projects. 

“Luneta, sa palagay ko karambola iyan, sari-sari ang agenda riyan, mahirap yata. EDSA Shrine, naku maliwanag naman kung sinu-sino nariyan—hindi ako welcome,” giit ni Marcos sa kanyang video post.

Kasabay ng ika-53 anibersaryo ng pagdeklara ng martial law ni yumaong Ferdinand Marcos Sr., inaasahang libu-libong Pilipino ang lalahok sa mga kilos-protesta sa Linggo, Setyembre 21. 

Ito ay maituturing na pinakamalaking mobilisasyon laban sa korapsyon sa mga nakalipas na taon. 

Sama-samang lalahok sa mga protesta ang iba’t ibang organisasyon mula sa simbahan, batayang sektor, at mga komunidad.

 Itinuturing nila ang pagtitipon hindi lamang bilang pagtutol sa mga nabunyag na iregularidad sa mga flood control projects,  kundi bilang bahagi rin ng mas malawak na laban kontra sistematikong korapsyon.