-- Advertisements --

Bagamat mahalaga ang mga imbestigasyon sa Senado at Kamara upang mabunyag ang mga posibleng kaso ng korapsyon, hindi ito ang tamang lugar upang magtakda ng pananagutan sa mga akusado ng krimen, lalo na sa mga proyekto sa flood control.

Ito ang inihayag ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu.

Ayon kay Atty. Inton, ang layunin ng mga imbestigasyon sa Kongreso ay magbigay ng mga rekomendasyon para sa paggawa ng mga batas na laban sa korapsyon, hindi upang maghatol ng pagkakasala.

Ang tanging may kapangyarihan pa umanong magdesisyon tungkol sa kasalanan o kawalan ng sala ng isang tao ay ang hukuman, at hindi ang mga miyembro ng Kongreso.

Bagamat nakikita ng publiko ang mga imbestigasyon, binigyang-diin ng abogado na hindi ito nangangahulugang ang mga akusado ay may kasalanan na.

Dapat pa umanong ipagpatuloy ang mga hearing sa Senado upang makita ng publiko ang lawak ng mga posibleng isyu ng korapsyon sa gobyerno, ngunit hindi ito nangangahulugang ang mga sangkot ay nahatulan na ng publiko.

Punto pa nito na mayroong tinatawag na “Court of Public Opinion” kung saan may mga opinyon ang mga tao tungkol sa mga isyu, ngunit hindi ito dapat magtakda ng hatol sa mga akusado.

Aniya, ang mga imbestigasyon ay dapat magpatuloy upang maipakita ang katotohanan, ngunit hindi ito dapat magbigay ng impresyon na ang mga sangkot ay awtomatikong may sala.

Binigyang-diin pa niya ang kahalagahan ng pagsunod sa tamang proseso ng batas kung saan sinabi niyang bawat isa ay may karapatang dumaan sa due process, at hindi pa maaaring ipagkaloob ang presumption of innocence sa mga indibidwal na hindi pa opisyal na inaakusahang kriminal.

Sa kabila ng mga kontrobersiya at imbestigasyon, sinabi ni Atty. Inton na mahirap tiyakin kung ang lahat ng may kasalanan ay mapapanagot sa hukuman.

Ibinahagi niyang madalas magkasalungat ang katotohanan at ang mga alituntunin ng batas, kaya’t hindi ito palaging isang diretso o madaliang proseso patungo sa hustisya.