ILOILO CITY – Personal na binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lamay ng mga biktima ng Iloilo Strait tragedy sa Gegato Abecia Funeral Homes sa Balabago, Jaro, Iloilo City.
Pagdating ng presidente sa Funeral Homes, agad nitong nilapitan ang kabaong ng mga biktima at kinausap ang mga pamilya ng mga nasawing pasahero sa tumaob na mga motorbanca.
Nagbigay din si “Digong” ng tulong pinansyal at cellphone na may numero ng Office of the President upang magamit ng mga pamilya na puwede nilang tawagan sakaling may kakailanganin ang mga ito.
Alas-6:00 kagabi nang dumating ang pangulo sakay ng jet at makalipas ang dalawang oras ay lumipad ito pabalik ng Manila.
Samantala, hindi natuloy ang pagbisita sana ni Duterte sa lalawigan ng Guimaras upang bisitahin din ang lamay ng ibang pang biktima.
Ito ay dahil sa masamang lagay ng panahon kahapon.
Gayunman, inatasan niya si Department of Transportion Secretary Arthur Tugade na siyang pumunta sa isla at ipaabot ang kanyang mensahe ng pakikisimpatiya sa pamilya ng mga biktima na naghintay ng ilang oras sa presidente para sa kanyang pagdating sa Provincial Covered Gym.
Sinabi naman ni Tugade na tatlong beses na sinubukan ni Pangulong Duterte na makapunta sa Guimaras ngunit hindi na talaga itinuloy dahil sa malakas na hangin at ulan.
Kasama ng Presidente sina Senator “Bong” Go, Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista, Transportation Secretary Arthur Tugade at Interior Secretary Martin Dino.