-- Advertisements --

ILOILO CITY – Sinimulan na ng Department of Labor and Employment-Region VI ang imbestigasyon sa AC Energy sa Bo. Obrero, Lapuz, Iloilo City, kasunod ng nangyaring malawakang oil spill dahil sa pagsabog ng power barge ng Ayala Corporation.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Niezel Sabrido, tagapagsalita ng ahensya, sinabi nito na nakasentro ang imbestigasyon sa “occupational safety and health” sa AC Energy at kung ano ang nilabag nito na naging dahilan ng pagsabog at pagtagas ng langis.

Ayon kay Sabrido, aalamin din kung may wastong kasanayan ang mga tauhan ng AC Energy at kung gumamit ang mga ito ng kompletong personal protective equipment.

Ani Sabrido, kapag napatunayang may mga nilabag na patakaran ay mahaharap sa patong-patong na kaso ang kompanya.

Samantala, nag-iimbestiga na rin ang Maritime Industry Authority (MARINA) sa insidente.

Ayon kay MARINA Region VI Director Engr. Jose Venancio Vero, may otoridad ang ahensya sa imbestigasyon dahil isang floating asset ang AC Energy.