-- Advertisements --

Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na namataan umano sa Cavite ang puganteng negosyanteng si Atong Ang.

Sa ginanap na Kapihan ng Samahang Plaridel forum, sinabi ni Remulla na agad nagsagawa ng operasyon ang humigit-kumulang 400 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Ang.

Ayon kay Remulla, mabilis na kumilos ang mga awtoridad ngunit nakatakas umano si Ang bago sila dumating sa lugar.

“Pagdating namin, nakaalis. We acted very fast, as fast as we could. In fact, ‘yung pagkain nandoon pa noong pagdating namin. We almost got him,” pahayag ni Remulla.

Si Ang ay nahaharap sa kasong multiple counts ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Matatandaang naglabas na rin ng Interpol red notice laban kay Ang noong Abril, na nangangahulugang hinihiling sa mga law enforcement agencies sa iba’t ibang bansa na hanapin at arestuhin siya.

May nakalaan ding P20 million na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa kanyang kinaroroonan.

Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng mga awtoridad laban sa negosyante.