Naitala ng Pilipinas ang pinakamabagal na paglago sa ekonomiya noong unang kwarter ng 2026 matapos ang pandemiya.
Ito ay matapos iulat ni PSA Chief at National Statistician Dennis Mapa na ang gross domestic product (GDP) o ang halaga ng goods at services na na-produce sa isang period, ay lumago lamang ng 2.8% mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Pinakamabagal na paglago ito mula nang maitala ang 3.8% GDP noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic lockdown sa unang kwarter ng 2021.
Ito rin ay mas mababa kumpara sa 5.4% noong unang kwarter ng nakalipas na taon at 3% noong ikaapat na quarter ng 2025.
Ayon kay USec. Mapa, ilan sa pangunahing economic sectors na nakapagtala ng year-on-year growth ay sa services habang nakapagtala naman ng pagbaba sa agriculture, forestry, fishing at industry.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan ang mga dahilan ng mabagal na paglago ng ekonomiya sa unang kwarter ng taon.
Ayon sa kalihim, kabilang sa mga dahilan ang “lingering effects” ng kontrobersiya sa korapsiyon sa flood control projects, pagkaantala sa pagpasa ng pambansang pondo at sa paglalabas ng badyet para sa infrastructure spending at epekto ng giyera sa Middle East na nagresulta sa pagsipa ng presyo ng langis. Nakaapekto rin sa mabagal na pag-angat ang mataas na inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Bilang tugon dito, sinabi ni Sec. Balisacan na humahanap na ang gobyerno ng paraan para matugunan ang naturang mga isyu.
Inamin naman ng kalihim na ang naitalang GDP ng Pilipinas noong unang kwarter ay mas mabagal kumpara sa ibang karatig bansa sa Asya gaya ng Vietnam, indonesia, at China bunsod ng mga nabanggit na pinagsamang epekto ng domestic at local challenges.
Ang 2.8% na paglago ay mas mababa sa 5% hanggang 6% na target ng gobyerno para sa taong 2026.
Nauna nang nagpahayag ng pag-asa ang economic managers na makakabawi ang bansa at maabot ang 5% na paglago ngayong taon, bago ang tensiyon sa Middle East.















