-- Advertisements --

Ikinonsidera ngayon ni dating Senate President Vicente ”Tito” Sotto III na maaaring may kaugnayan sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pagkakatanggal sa liderato ng Senado.

Sa isang panayam matapos siyang mapalitan ni bagong Senate President Alan Peter Cayetano, sinabi ni Sotto na “strong possibility” na ang kanyang posisyon ay naapektuhan ng agad niyang iko-convene ang Senado bilang impeachment court sa sandaling matanggap ang Articles of Impeachment laban kay Sara Duterte.

“Probably, that’s a very strong possibility because if I were Senate President once the House approves the articles of impeachment and sends it to us, I will convene the impeachment court tomorrow,” pahayag ni Sotto.

Gayunpaman, iginiit din ni Sotto na wala siyang sama ng loob sa kanyang pagkakatanggal, at bahagi lamang ito ng matagal na niyang karanasan sa pulitika.

Aniya, ilang beses na rin siyang napalitan sa puwesto mula nang maging senador noong 1992, at tinatanggap niya ito bilang normal na kalakaran sa loob ng Senado.

“We always expect it… I serve at the pleasure of our peers. There must be a plan or something, maybe God has a different plan. So we leave it that way,” dagdag niya.

Sinabi rin ng dating lider ng Senado na wala umanong direktang lumapit sa kanya upang ipaliwanag ang dahilan ng pagpapalit ng liderato.

Ang posibleng impeachment trial ni VP Sara ay inaasahang magaganap sa Senado matapos maipasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Articles of Impeachment laban sa kanya.