-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Kusa nang tumigil sa pamamasada ang ilang operators and drivers ng traditional at modernized jeepney sa ilalim ng Cooperative Alliance for Modernized Transport Business Industry Operation dahil sa hindi na nila kaya ang mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Louie Tabios, presidente ng nasabing kooperatiba, halos dumoble ang kanilang gastos kaysa sa kinikita dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis kung saan, lubos umano silang nahirapan sa kanilang sitwasyon na halos pagod na katawan na lamang ang kanilang inuuwi sa kanilang pamilya.

Dagdag pa nito na hindi na nila kayang tapatan ang mataas na presyo ng krudo kung kaya’t kusa na lamang silang tumigil sa paglagare sa mga pangunahing kalsada sa Maynila at naghanap na lamang ang mga ito ng ibang pagkakitaan para ibuhay sa kanilang buong pamilya.

Hindi na aniya makatarungan ang kanilang kasalukuyang sitwasyon kahit na may ginagawang hakbang ang pamahalaan gaya ng pamamahagi ng ayuda dahil hindi naman ito sapat na tulong para sa kanilang pinapasan na suliranin.

Kailangan nila ngayon ang alternatibong hakbang at mabilisang aksyon ng pamahalaan upang maibsan ang kinakaharap na hamon sa sektor ng transportasyon.