-- Advertisements --

Umabot na sa higit kumulang 220,000 (As of 12:00 PM – November 17, 2025) katao ang siyang nagtipon-tipon sa Quirino Grandstand, Luneta Park sa Maynila ngayong araw.

Ito’y kaugnay pa rin sa ‘rally for transparency and a better democracy’ inilunsad ng Iglesia ni Cristo simula kahapon ng Linggo.

Batay ang datos sa impormasyon ibinahagi ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office nanggaling sa Manila Police District.

Dahil sa kanya-kanyang latag sa mga lansangan ang nakilahok, tiniyak ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na bukas ang ilang sports complex sa lungsod.

Ito aniya’y para magsilbing pansamantalang matutuluyan lalo pa’t hindi lamang isang araw gaganapin ang naturang rally.

“Yung preparation for their overnight stay, if ever, there will be still somewhere we check our San Andres Sports Complex, Delpan Sports Complex, and Dapitan Sports Complex. Kaysa naman na magkasakit yun mga kapatid natin na baka maumulan mamaya. So at least kahit papaano may masisilungan sila,” ani Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso (Alkalde, Maynila)

Kung kaya’t sa dami ng mga taong dumagsa at nakikiisa sa panawagan at kilos protesta ng Iglesia, di’ maiiwasan ang mga kalat at basura nitong malilikha at maiiwan.

Ayon sa Departmet of Public Services o DPS ng Maynila, umabot sa 7 truckloads na may kabuuang bigat o bilang na 19 metric tons na basura ang nahakot kahapon.

Ngunit sa kabila nito’y ibinahagi ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagaso ang kapanatagan na mapapanatili pa ring malinis ang lugar.

Sa kabila nito, hiling at hinimok pa rin ng alkalde ang mga magsisipagpunta na iwasan ang pagkakalat at maging katuwang sa pagpapanatili ng kalinisan.