ILOILO CITY – Nag-iwan ng nasa isang milyong pisong halaga ng pinsala ang pagkasunog ng factory ng kandila sa compound ng isang simbahan sa Bantud, Lapaz, Iloilo City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Chief Inspector Publio Ploteña, city fire marshal, sinabi nito na inaalam pa kung saan nagsimula ang apoy sa St. Clement’s Church.
Ayon kay Ploteña, totally burned ang buong factory at nasunog din ang nasa 24 na sako ng kandila o tinatayang 80,000 na novena candles maliban pa ang mga used candles sa isang bodega.
Nanindigan naman ang mga empleyado sa nasabing factory na bago umuwi ang mga ito, naayos nila ang lahat ng mga kagamitan sa loob kaya nagtataka sila kung paano sumiklab ang sunog.
Pinag-aaralan naman ng Bureau of Fire Protection kung “electrical in nature” ang sunog.
Wala namang taong nasaktan sa insidente.