Ihaharap ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rekomendasyong may kaugnayan sa mga dagdag na aktibidad at mga negosyong bubuksan pa sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, co-chairman ng IATF, kabilang sa mga rekomendasyong ito ay ang posibilidad na paliitin o bawasan ang haba ng curfew hours.
Ayon kay Sec. Nograles, baka sa halip na magpatupad ng mula alas 10 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga na curfew ay gawin na lamang itong mula alas 12 ng hatinggabi hanggang alas 5 ng umaga.
Ito umano ay para magkaroon ng mas mahabang panahon ang mga taong magawa ang kanilang mga aktibidad at maiwasan ang rush hour kung saan dadagsa na naman ang mga ito dahil naghahabol sa oras.
Ipinaliwanag ni Sec. Nograles, bagama’t nagbubukas ng ekonomiya, maiiwasan pa ring magkaroon ng dagsaan ng tao sa labas at sa mga pampublikong transportasyon.
Iimumungkahi rin ng umano ng IATF kay Pangulong Duterte na magpatupad ng work shifting sa mga lugar ng paggawa para hindi maiipon sa maikling panahon lamang ang mga manggagawa at sabay-sabay din o mag-uunahan sa pagsakay pauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Hindi naman masabi ni Sec. Nograles kung makapagbibigay ng public address si Pangulong Duterte sa gabi, depende kung anong oras matatapos ang kanilang full-Cabinet meeting simula mamayang alas 4 ng hapon.