-- Advertisements --

Ilang oras pa bago pumatak ang panibagong oil price hike na ipapatupad ngayong linggo ay maaga nang pumila ang ilan sa ating mga kababayang tsuper ng mga pribado at pampublikong transportasyon.

Batay kasi sa inilabas na abiso ng mga oil companies, papalo sa Php2.15 ang itataas ng presyo sa kada litro ng gasolina, Php 4.30 naman ang magiging dagdag sa kada litro ng diesel, at P4.85 naman ang umento sa kerosene.

Kasabay ng sunud-sunod na taas-presyo ng produktong petrolyo sa bansa ay ang pag-aray din ng mga kababayan nating mga motorista na silang pangunahing apektado nito.

Dahil jan, nananawagan ang mga ito ngayon sa pamahalaan na huwag ng patagalin pa ang pag-aksyon ukol dito dahil maging ang mga pasahero raw ay lubhang nahihirapan nang dahil dito.

Para makatipid, kaniya-kaniyang diskarte naman ang ginagawa ng mga tsuper.

Katulad ni Kuya Anthony, isang taxi driver na naabutan ng Bombo Radyo Philippines na nagpapagasolina, inaming may mga pagkakataong napipilitan nang humingi ng dagdag na singil sa kaniyang mga pasahero para sa dagdag gasolina bilang konsiderasyon na rin nararanasang malakihang umento ngayon sa produktong petrolyo.

Hindi na raw niya kasi alam kung san pa siya kukuha pa ng dagdag na panggastos lalo na’t kakaramput na lamang ngayon ang kanilang kinikita na mababawasan pa ng dahil nga sa walang humpay na pagtaas presyo ng krudo.

Samantala, makikita sa pinakahuling datos ng Department of Energy na pumapalo na sa Php26.55 ang net increase sa kada litro ng gasolina, habang nasa Php36.85 naman sa kada litro ng diesel, at P0hp33.10 naman sa kada litro ng Kerosene.

Ang iba’t-ibang suliraning kinakaharap ng ibang bansa ang itinuturong dahilan ng mga kinauukulan sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kabilang na rito ang gumagaang lockdown sa China, pagbabawal ng European Union sa pag-import ng langis ng Russia, at marami pang iba.