-- Advertisements --

Sang-ayon ang ilang alkalde sa Metro Manila na palawigin ang modified enhanced community quarantine (MECQ) status sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, dapat palawigin ng isa pang linggo ang MECQ sa Metro manila.

Saka na lamang aniya pag-usapan ulit pagkatapos ng isang linggong extension kung kailangan pang palawigin ang MECQ status sa Metro Manila o hindi.

Pabor din si San Juan City Mayor Francis Zamora na panatilihin munang umiral ang MECQ dahil kahit nakakaranas nang pagbaba ng bilang ng coronavirus cases ay nasa lebel pa rin ito na mataas.

Sa kanilang lungsod lang ay 61 ang active infections noong Marso, pero lumobo pa ito sa mahigit 1,100 sa peak o kasagsagan ng surge o pagsirit ng virus at bumaba na sa 741 hanggang ngayong araw.

Ngayong araw, nakatakdang ilabas ng Metro Manila mayors ang kanilang concensus sa irerekomendang quarantine status sa national government.

Sa darating na Biyernes, Abril 30, mapapaso ang MECQ status sa NCR at mga karatig probinsya.