Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iwan sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028 ang isang kultura na patuloy na pag-unlad at nation-building, kasama ang mas mataas na tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Sa isang panayam, sinabi ni Pang. Marcos na nais niyang makita ang isang pamahalaang katuwang ang mamamayan at iba’t ibang sektor sa pagpapabuti ng bansa.
Kabilang sa kanyang hangarin ang mas maraming trabaho at kabuhayan, patuloy na pag-unlad at mas aktibong pakikilahok ng Pilipinas sa pandaigdigang ekonomiya.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo dahil mas alam umano ng mga ito ang kalagayan at pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
Ayon kay Marcos, mas napapalapit sa mga tao ang pamahalaan kapag mas napalalakas ang mga local government unit (LGU).
Sinabi ng Pangulo na hindi niya inaasahang magiging perpekto ang kanyang pamamahala, ngunit umaasa siyang makapagtatapos siya ng termino na may makabuluhang ambag sa pag-unlad at pagpapatatag ng bansa.
















