-- Advertisements --

Kinumpirma ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Undersecretary Eric Domingo na tukoy na ng vaccine expert panel sa bansa ang mga lugar at ospital kung saan sesentro ang isasagawang clinical trial ng Sputnik V mula Russia.

Ayon kay Domingo may ilang local government units (LGUs) na ang nag-boluntaryo para makasali sa trial ng posibleng bakuna.

Bago ito ay kailangan munang makita ang phase 1 at phase 2 result ng gamot upang makasigurado na magiging ligtas o walang negatibong side effects ang gamot bago ipamahagi sa mga Pilipino.

Sa ngayon daw kasi ay hindi pa nag-aapply ang Russia sa FDA para busisiing mabuti ang Sputnik V. Ayon kay Domingo, kasalukuyang nakikipagtulungan ang nasabing bansa sa Department of Science and Technology (DOST) para simulan ang clinical trial sa Pilipinas.

Dito ay pag-aaralang maigi ng DOST ang mga impormasyon na kanilang matatanggap sa phase 1 at phase 2 trial ng Sputnik V at saka lamang ito ipapadala sa FDA para tingnan ang design ng ginawang pag-aaral at trial.

Tiniyak naman ni Domingo na hindi lamang sa Metro Manila gagawin ang clinical trial, maaari rin daw itong gawin sa Region IV-A, Region 3 at Cebu.

Nilinaw din ng opisyal na magiging responsibilidad ng sponsor ng clinical trial kung sakali man na hindi umubra o may hindi magandang epekto ang bakuna. Requirement daw kasi ng FDA na kailangang siguraduhin ng sponsor na mayroon itong facility o ospital na ihahanda kung may maramdaman na kakaiba ang sinumang sasali sa trial.