Bigong makakuha ng suporta ang ilang mga lider ng Quad Committee ng Kamara de Representantes sa katatapos na May 12 elections.
Hindi pinalad si Congressman Benny Abante na makuha ang 6th District ng Manila matapos siyang talunin ng nakalabang si Joey Uy. Naungusan ni Uy si Cong. Abante ng mahigit 1,500 votes.
Kumandidato naman si Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez bilang gobernador ng Laguna ngunit tinalo siya ni Sol. Aragones. Pumangatlo lamang si Fernandez sa gubernatorial race sa naturang probinsya matapos makakuha ng mahigit 280,000 votes habang si Aragones ay kumamada ng mahigit 627,000 votes at pumangalawa si Ruth Hernandez na nakakuha ng mahigit 538,000 votes.
Naabot na rin ni Abang Lingkod Rep. Stephen “Caraps” Paduano ang term limit kaya’t hindi na babalik sa 20th Congress.
Ang lead chair ng Quad-Comm na si Surigao del Norte Representative Robert ‘Ace’ Barbers ay umabot na rin sa term limit kaya’t hindi na rin makakabalik sa susunod na kongreso.
Sa apat na kongresistang nagsilbi bilang orihinal na co-chair ng naturang komite, tanging si Antipolo Representative Romeo Acop ang magsisilbi sa 20th Congress.
Tumakbong unopposed si Acop sa Antipolo at nakakuha ng 131,925 votes.
Unang nabuo ang Quad Committee noong August 2024 upang imbestigahan ang umano’y koneksyon ng illegal drugs trade at Chinese drug smuggling sa Pilipinas, Philippine Offshore Gaming Operators, systematic police abuse, at iba pang anomaliya na umano’y nangyari sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Ito ay binubuo ng apat na pangunahing komite ng Kamara tulad ng Dangerous Drugs, Human Rights, Public Order and Safety, at Public Accounts.
Bagaman nakapaglabas na ang Quad ng rekomendasyon tulad ng paghahain ng criminal cases laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte at iba pang kaalyado, sa kasalukuyan ay hindi pa malinaw kung magpapatuloy ang high-profile investigation ng makapangyarihang komite sa susunod na Kongreso.