-- Advertisements --

Nakatunton na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng ilang mga ‘confidential’ documents sa condominium unit ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Unang tinungo ng naturang opisina ang isa nitong condo para sa masinsinang inspection, matapos maglabas ang korte ng court order.

Ayon kay NBI OIC Atty. Lito Magno, hindi maaaring isapubliko ang mga kontrobersyal na dokumento, hangga’t hindi pa nagkakaroon ng isang formal hearing.

Mula noong sinimulan ng NBI ang inspection, magtutuloy ito sa loob ng 14 na araw mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Magbabantay dito ang ilang court personnel at maging ang abogado ni Zaldy Co.

Limitado lamang ang inspection sa pagsusuri sa items sa plain view, habang kailangan din ng hiwalay na warrant para buksan ang ilang vaults.

Ang naturang condo ay una nang tinukoy ni dating Marine Sgt Orly Guteza na umano’y pinagdadalhan ng mga suitcase na naglalaman ng kickback ni Co mula sa mga flood control project.

Tinukoy din ito ni dating Bulacan district engineer Henry Alcantara bilang drop-off point para sa malalaking halaga ng pera para sa dating mambabatas.

Ayon sa NBI, ang naturang operasyon ay bahagi pa rin ng nagpapatuloy na paghahanap at paglikom ng mga ebidensiya mula sa nabunyag na korapsyon sa mga flood control project.

Kabilang si Co sa unang batch ng mga contractor at Department of Public Works and Highways officials na nakasuhan at naisyuhan ng warrant dahil sa umano’y pagkakasangkot sa korapsyon.