Ipinalilipat ni Gabriela Party List Rep. Arlene Brosas sa Special Education (SPED) program ang ilang “confidential at intelligence funds” ng Office of the President (OP), Office of the Vice President (OVP) at iba pang ahensiya sa ilalim ng proposed 2023 National Budget.
Ang pahayag ng mambabatas ay bilang tugon sa “zero budget” o kawalang-alokasyon ng SPED program sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Ayon kay Brosas, igigiit niya ang “realignments” sa panukalang 2023 budget upang matiyak na magkakaroon ng pondo ang SPED program.
Ang OP ay may P4.5 billion na confidential at intelligence funds sa ilalim ng 2023 budget, habang P500 million naman para sa OVP at P150 million para sa Department of Education (DepEd) na pawang kinukwestyon ni Brosas.
Pinuna naman ng kongresista ang mistulang “blame game” o pagtuturuan ng Department of Budget and Management (DBM) at DepEd kung bakit walang budget ang SPED program sa susunod na taon, gayung kung tutuusin ay kapwa umano dapat sisihin ang dalawang ahensya.
Aniya, hindi dapat hayaan ang zero allocation para sa SPED program, dahil ito ay kawalang-katarungan para sa higit 5 milyong Pilipino na “children with special needs.”