Umabot sa bagong rekord na P19.39 trilyon ang kabuuang utang ng national government sa pagtatapos ng Hulyo 2026, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Tumaas ito ng P323.53 bilyon o 1.7 porsyento mula sa 19.065 trilyon na naitala noong katapusan ng Hunyo.
Ayon sa BTr, dulot ang pagtaas ng karagdagang pangungutang ng gobyerno sa loob at labas ng bansa, pati na rin ng paghina ng piso laban sa dolyar at iba pang foreign currencies.
Nasa P13.11 trilyon ang domestic debt, habang P6.28 trilyon naman ang external debt.
Humina naman ang piso sa P61.327 kada dolyar noong katapusan ng Hulyo, mula P61.290 noong katapusan ng Hunyo. Dahil dito, tumaas ang halaga sa piso ng bahagi ng utang ng bansa na nasa foreign currencies.
Ang naitalang utang noong Hulyo ay katumbas na ng halos 98 porsyento ng P19.76-trilyong debt projection ng gobyerno para sa pagtatapos ng 2026.













