-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patuloy pa rin na tumataas ang tubig baha sa Iloilo Province kung saan lagpas tao na ang taas nito.

Sa ngayon, isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Sara at Ajuy, Iloilo at Passi City matapos lubos na sinalanta ng Bagyo Agaton.

Nasira na rin ang mga tulay sa Passi City at Dingle, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Sara, Iloilo Mayor Jon Aying, sinabi nito na 10 barangay sa kanyang bayan ang may mataas pa rin na lebel ng tubig baha.

Sa katunayan aniya, may mga barangay pa na hindi mapuntahan ng rescue team dahil hindi madaanan ang lugar.

Napag-alaman na isa ang patay at dalawa ang missing sa nasabing bayan.

Sunod na nakatakdang magdeklara ng state of calamity ang San Enrique, at Pototan, Iloilo.

Nagpapatuloy naman ang paghahatid ng Iloilo Provincial Government ng libo-libong mga relief packs at sako-sakong bigas para sa mga apektadong residente.

Ayon kay Rara Ganzon, focal person ng Provincial Social Welfare and Development Office, umaabot na sa 22 bayan ang apektado ng pagbaha.

Ito ay kinabibilangan ng Leganes, New Lucena, Zarraga, Pototan, Dingle, Dueñas, Dumangas, San Enrique, Banate, Barotac Nuevo, Passi City, Ajuy, Balasan, Barotac Viejo, Batad, Carles, Concepcion, Estancia, Lemery, Sara, San Dionisio, at San Rafael.