KALIBO, Aklan —- Nananatiling nasa evacuation center ang ilang mga residente na lumikas kagabi matapos ipag-utos ng kani-kanilang barangay council ang forced evacuation kasunod ng pagtaas ng tubi-baha sa Aklan River.
Binaha ang mga bayan ng Libacao, Madalag at Kalibo matapos ang walang tigil na pag-ulan dulot ng low pressure area (LPA), simula kahapon umaga ng Linggo.
Binantayan ng Provincial at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ang posibleng pag-apaw ng ilog.
Dahil umabot na sa critical level ang tubi-baha, nagpa-sirena na ang mga ito hudyat na pinapalikas na ang mga residente papunta sa mga evacuation area ng kanilang lugar, lalo na ang mga nakatira sa gilid ng mga ilog.
Sa kasalukuyan ay humuhupa na ang baha, ngunit patuloy ang monitoring dahil sa mga pag-ulan.