Ikinadismaya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga pahayag na inilabas kamakailan ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez.
Unang binatikos ni Cong. Gomez ang isang alkalde ng isang syudad na umano’y naglabas ng corruption issues laban sa mga mambabatas na umano’y may kaugnayan sa flood control anomalies.
Iginiit ni Gomez na ginagamit ng naturang alkalde ang mga alegasyon ukol sa corruption para lamang maisulong ang kaniyang political agenda habang nasisira ang lahat ng mga mambabatas dahil sa kontrobersiya sa corruption.
Katwiran ng kongresista, dapat na munang unahin ng alkalde ang mga isyu sa kaniyang sariling syudad bago makisawsaw sa isyu ng mga flood control infrastructure project.
Ayon kay Magalong, nakakalungkot ang naging pahayag ni Gomez lalo’t kinikilala niya ang kongresista bilang kaniyang kaibigan.
Bagaman hindi pinangalanan ni Gomez ang alkalde, naniniwala si Mayor Magalong na posibleng siya ang pinapatamaan ng kongresista. Gayunpaman hindi na umano siya magkokomento muna sa patutsada ng Leyte representative.
Sa halip, sinabi ni Magalong na kung sanay ang isang tao sa madilim na lugar ay tiyak umanong mahihirapan itong makakita ng liwanag. Walang silbi aniya ang isang argumento kung hindi naman mag-iiwan ng marka ang katotohanan.